Dear Nanay, utang ko sayo ang aking buhay
Mahal kong Nanay,
Mula sa una kong paghinga, batid ko na, na utang ko sa iyo ang aking buhay. Kahit saan man ako makarating at anumang tagumpay o pagsubok ang aking harapin, ang pundasyon ng aking pagkatao ay nakaugat sa pagmamahal at mga aral na itinuro mo sa akin. Kung ako’y lumaki na may kabutihan, respeto, at malasakit sa kapwa, ito’y dahil ikaw ang naging unang guro ko—ikaw ang nagpakita sa akin ng tunay na kahulugan ng pagmamahal sa kapwa. Ang kabutihang ipinapakita ko sa iba, ang init ng aking pakikitungo, at ang grasya sa bawat hakbang ng aking buhay na aking ibinabahagi sa iba ay mga salamin ng pagmamahal na ibinuhos mo sa akin.
Bagaman hindi ako nakatayo sa mga entablado ng Palarong Pambansa o World Olympics, at hindi man ako nag-uwi ng mga titulo bilang world champion sa boxing o billiards, itinuturing ko ang aking sarili na matagumpay dahil sa iyo. Lumaki akong malakas, masaya, at puno ng pag-asa—mga katangiang nagbigay-daan upang maging mabuting tao ako sa lipunan, hindi pabigat. Ang tagumpay na ipinagdiriwang ko ay hindi nasusukat sa mga medalya o parangal, kundi sa mga pagpapahalaga at buhay na iniukol mo sa akin.
Kahit hindi tayo namuhay sa karangyaan, mayaman ako sa pagmamahal at mga aral na ibinahagi mo. Buo ako, malusog, at malaya sa anumang sakit, at para dito, ako’y lubos na nagpapasalamat. Sa iyong pag-aaruga at walang sawang dedikasyon, ako ay nakatindig sa sariling paa, kapwa sa pisikal kong aspeto at sa tatag ng aking diwa. Dahil dito, Nanay, ang pagtanaw ko na utang na loob sa iyo ay walang sukatan.
Sa kabila ng kasimplehan ng ating buhay, marami akong nalalaman sa mga bagay-bagay sa mundo dahil sa iyo. Ang mga kaalaman at mga aral na natutunan ko ay utang ko lahat sa iyong patnubay at karunungan.
Bagaman alam kong hindi ko kayang suklian ang lahat ng iyong pagmamahal, ang iyong hindi kailanman pag-abandona sa akin at ang iyong kabutihan ay nagpapatunay ng iyong lakas at pagiging isang mabuting ina. Alam ko na hindi ka perpekto, ngunit para sa akin, ikaw ay isang biyaya mula sa Diyos, isang patunay na ako’y minamahal Niya, dahil ibinigay Niya sa akin ang isang ina na tulad mo—mapagmahal, maalaga, at responsable.
Kahit magkamal man ako ng bilyon-bilyon, hinding-hindi ako magdadalawang-isip na ibigay ang lahat sa iyo. At kahit wala man akong yaman, gagawin ko ang lahat upang ibigay sa iyo ang munting kaligayahan na aking makakaya. Nanay, hindi ko kayang tapatan ang pagmamahal na ibinigay mo sa akin, ngunit buong puso akong nagpapasalamat, at ipinapanalangin ko na patuloy kang biyayaan ng Diyos ng mabuting kalusugan.
Maraming salamat, Nanay, sa lahat.
Comments
Post a Comment